Noong taong 2017, umabot sa 6.9% ang paglaki ng kabuhayan ng Tsina. Itinampok nito ang positibong pagsasaayos ng estrukturang pangkabuhayan, bagong source ng paglaki, kasiglahan ng pamilihan at bumuting regulasyong pang-macroeconomy.
Ito ang ipinahayag ni Yan Pengcheng, Tagapagsalita ng National Development and Reform Commission (NDRC) ng Tsina sa preskon Lunes, Enero 22, 2018.
Inilahad niyang kaugnay ng pagsasaayos ng estrukturang pangkabuhayan, nagsikap ang Tsina para mabalanse ang relasyon ng suplay at pangangailangan o supply-demand at mapabuti ang estrukturang pansuplay.
Noong 2017, ang value-added output na industriyal ay tumaas ng 6.6%. Baligtad ito ng pagbaba nitong anim na taong nakalipas. Samantala, umabot naman sa 58.8% ang ambag ng konsumpsyon sa paglaki ng kabuhayan, at mas mataas ito kumpara sa 51.8% ambag noong 2012. Kasabay nito, noong taong 2017, pinasulong din ng Tsina ang policy transparency at isinagawa ang bagong paraan para mapabuti ang regulasyong makroekonomiko.
Salin: Jade
Pulido: Mac