|
||||||||
|
||
Sa bagong panahon, ang kalidad ang itatampok ng Tsina sa pag-unlad ng pambansang kabuhayan. Ito ay pagbabago mula sa pokus ng mabilis na pag-unlad ng kabuhayan sapul nang isagawa ng bansa ang reporma't pagbubukas noong 1978.
Ang nasabing pagbabago ang nasasaad sa isang pahayag na inilabas ng Central Economic Work Conference na idinaos mula ika-18 hanggang ika-20 ng Disyembre, 2017. Ang pulong ang pinakamahalagang taunang pagtitipon ng Tsina hinggil sa mga gawaing pangkabuhayan.
Upang maisakatuparan ang de-kalidad na pambansang kaunlaran, pasusulungin ng Tsina ang mas inobatibong industriya ng paggawa, mas ligtas na sistemang pinansyal, mas bukas at berdeng kabuhayan, at mas abot-kayang bilihing pambahay at bumubuting pamumuhay ng mga mamamayan.
Lumahok sa katatapos na pulong ang liderato ng Tsina na pinangungunahan ni Pangulong Xi Jinping. Si pangulong Xi ay nagsisilbi ring pangkalahatang kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Si Pangulong Xi Jinping habang nagtatalumpati sa Central Economic Work Conference sa Beijing, kabisera ng Tsina. (Xinhua/Xie Huanchi)
Ang katatapos na taunang pulong ay idinaos makaraang ganapin ang Ika-19 na Pambansang Kongreso ng CPC nitong nagdaang Oktubre, kung saan itinakda ang pambansang planong pangkaunlaran ng Tsina sa susunod na mahigit 30 taon. Mababasa sa ulat ng katatapos na kongreso ang Ideya ni Xi Jinping hinggil sa Sosyalistang Kabuhayang May Katangiang Tsino para sa Bagong Panahon. Ang ideya ay nagsisilbing batayan sa kapipinid na tauhang pulong hinggil sa pambansang kaunlarang pangkabuhayan ng Tsina.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |