Ipinahayag Enero 22, 2018 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang tumpak na pakitunguhan ng Amerika ang Tsina, at itatakwil nito ang prejudice para pangalagaan ang multilateral na sistemang pangkalakalan ng daigdig.
Winika ito ni Hua bilang tugon sa 2018 taunang report na isinumite kamakailan ng pamahalaang Amerikano sa kongresong Amerikano.
Ayon sa nasabing report, binatikos nito ang umanong paglabag ng Tsina sa regulasyon ng malayang kalakalang pandaigdig. Anito pa, mali ang pagsuporta ng Amerika sa paglahok ng Tsina sa WTO.
Ipinahayag ni Hua na sapul ng paglahok sa WTO, palaging sinusunod ng Tsina ang mga regulasyon ng WTO, at seryoso nitong tinutupad ang sariling obligasyon. Gumaganap aniya ang Tsina ng kontruktibong papel sa pagpapatakbo at pagpapasulong ng multilateral na sistemang pangkalakalan ng daigdig, at nakikinabang ang ibat-ibang bansa sa daigdig mula sa kani-kanilang pakikipagkalakalan sa Tsina. Aniya, bilang tagapagsuporta ng multilateral na sistemang pangkalakalan ng daigdig, ipinagpatuloy ng Tsina ang pagtahak sa landas ng reporma at pagbubukas sa labas, pagbibigay-suporta sa mas bukas na kabuhayang pandaigdig, at gumaganap na konstruktibong papel sa pagpapabuti ng kapaligirang pangkalakalan ng daigdig.
Binigyang-diin ni Hua na sa kabilang dako naman, ang Amerika ay nagsasagawa ng unilateralismo, at ito ay nagiging hamon sa multilateral na sistemang pangkalakalan ng daigdig. Ikinababalisa aniya ito ng mga kasaping bansa ng WTO.
Ani Hua, bilang mahalagang kasapi ng WTO, may komong interes at mutuwal na kapakinabangan ang pagtutulungang pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Amerika. Umaasa aniya siyang magkasamang magsisikap ang Tsina at Amerika para pangalagaan ang awtoridad ng WTO, para pasulungin at pabutihin ang mas bukas at pantay na multilateral na sistemang pangkalakalan ng daigdig.