Ipinahayag Enero 24, 2018 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagpapasulong ng komprehensibong estratehikong partnership ay hindi lamang angkop sa pundamental na interes ng estado at mga mamamayan ng Tsina at Rusya, kundi dala rin nito ang pangako ng pangmatagalang kasiglahan sa hinaharap.
Winika ito ni Hua bilang tugon sa pahayag kamakailan na nakapaloob sa Defense Strategy Report ng Amerika, na hindi nito nakikita ang pangmatagalang komong interes sa pagitan ng Tsina at Rusya. Ani Hua, bilang kapuwa umuusbong na ekonomiya at pirmihang kinatawan ng UN Security Council, nananatiling malawak ang komong interes ng Tsina at Rusya, sa pagpapasulong ng tradisyonal na pagkakaibigan sa hene-henerasyon, pagsasakatuparan ng kani-kanilang pambansang kaunlaran, at magkasamang pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng daigdig. Aniya, nagsisikap ang dalawang panig para maitatag ang kanilang bagong relasyong pang-estado, batay sa tunguhin ng pag-unlad ng kalagayang pangkapayapaan at pangkaunlaran ng daigdig. Ibayo rin aniyang pinasusulong ng dalawang bansa ang prinsipyo ng non-alignment, non-confrontation, at hindi pagiging tuon sa ikatlong panig.
Nananalig aniya siyang mananatiling matatag at malusog ang pagtutulungan ng Tsina at Rusya, sa pamamagitan ng magkasamang pagsisikap. Ito ay makakatulong hindi lamang sa pagbibigay-ginhawa sa mga mamamayang Sino-Ruso, kundi maging sa pangangalaga sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig, dagdag ni Hua.