|
||||||||
|
||
Beijing, Tsina--Sumang-ayon ang Tsina at Hapon na lumikha ng magandang kapaligiran para idaos ang bagong round ng Summit ng Tsina, Hapon at Timog Korea sa lalong madaling panahon. Ang pinakahuli o ika-anim na nasabing summit ay idinaos noong 2015, sa Seoul, Timog Korea.
Ang nasabing desisyon ay ginawa ng dalawang bansa sa pagdalaw sa Tsina ni Taro Kono, Ministrong Panlabas ng Hapon, Sabado at Linggo, Enero 27-28, 2018.
Ang taong 2018 ay ika-40 anibersaryo ng paglagda ng Tsina at Hapon sa Tratado ng Kapayapaan at Pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Si Kono ay magkakahiwalay na kinatagpo nina Premyer Li Keqiang, Kagawad ng Estado Yang Jiechi, at Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina.
Ipinahayag ni Kono ang kahandaan ng Hapon na samantalahin ang ika-40 anibersaryo ng paglagda ng nasabing tratado, at reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina para mapalakas ang pagtitiwalaang pulitikal, at mapasulong ang mga konkretong pagtutulungan ng dalawang bansa. Ito aniya ay para pabutihin ang panlahat na ugnayan at iangat ang bilateral na relasyon sa bagong antas. Sa pangalan ng pamahalaang Hapones, nangako rin si Kono na maayos na hawakan ang mga isyung sensitibo, batay sa Magkasanib na Komunike, apat na dokumentong pulitikal, at isang dokumentong may apat-na-puntong prinsipyo, na nilagdaan ng dalawang bansa sapul noong 1972 nang manormalisa ang bilateral na relasyon.
Ipinahayag naman ng panig Tsino ang pagtanggap sa mga positibong pahayag na inilahad ng Hapon kamakailan hinggil sa relasyon ng dalawang bansa. Hiniling din ng Tsina sa Hapon na ipagpatuloy at pangalagaan ang magandang tunguhin ng pag-unlad ng bilateral na relasyon, para bumalik sa landas ng normal na pag-unlad ang nasabing relasyon sa taong ito.
Si Taro Kono (kaliwa), Ministrong Panlabas ng Hapon habang kinakatagpo ni Premyer Li Keqiang (kanan) ng Tsina, sa Beijing, Enero 28, 2018. (Xinhua/Liu Weibing)
Si Taro Kono (kaliwa), Ministrong Panlabas ng Hapon habang kinakatagpo ni Yang Jiechi (kanan), Kagawad ng Estado ng Tsina, sa Beijing, Enero 28, 2018. (Xinhua/Liu Weibing)
Ang delegasyong Hapones (kaliwa) at delegasyong Tsino (kanan) na pinamumunuan ng mga ministrong panlabas na sina Taro Kono at Wang Yi habang nag-uusap, sa Beijing, Enero 28, 2018. (Xinhua/Liu Weibing)
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |