Hinimok ng Tsina ang Hapon na sundin ang pangako nito para mapabuti ang relasyon ng dalawang bansa.
Ito ang ipinahayag ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon, Martes, Enero 23, bilang tugon sa pagpapahayag ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon ng hangaring pasulungin ang relasyon sa Tsina.
Ang nasabing kahandaan ay ipinahayag ni Abe sa kanyang talumpati hinggil sa patakaran, sa pagbubukas ng sesyon ng Diet sa taong ito, Lunes, Enero 22. Kasabay nito, sinabi ni Ministrong Panlabas Taro Kono na sasamantalahin ng Hapon ang ika-40 anibersaryo ng pagkakalagda ng tratadong pangkapayapaan at pangkaibigan ng dalawang bansa na natatapat sa taong ito, para mapasulong ang pagpapalitan ng mga mamamayan at mapalakas ang ugnayang pangkabuhayan.
Sinabi ni Hua na ang maganda at malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Hapones ay makakabuti sa interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa at kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Umaasa aniya ang Tsina na isasakatuparan ng Hapon ang pangako, para mapasulong ang pagpapalitan at pagtitiwalaan at maayos na mahahawakan ang pagkakaiba.
Salin: Jade
Pulido: Mac