|
||||||||
|
||
DUMALAW si Pangulong Rodrigo Duterte sa Legazpi City ngayong hapon at nagpaabot ng kanyang pagkabahala sa kalagayan ng higit sa 83,000 kataong naninirahan sa higit sa isang libong silid-aralan sa may 77 paaralan ng pamahalaan.
Sa kanyang pagharap sa mga opisyal ng pamahalaan at mga mamamahayag, sinabi ni Pangulong Duterte na kailangang tugunan ang mga pangangailangan ng mga lumikas.
Sinabi ni Dr. Renato U. Solidum, Jr. ng Department of Science and Technology na maaaring rumagasa ang mga bato at buhangin mula sa dalisdis ng bulkang Mayon kung magaganap ang malakas at matagal na pagbuhos ng ulan.
Ani Pangulong Duterte, kailangan ng dalawang programa sa problema ng mga lumikas. Una ang pagtugon sa pangangailangan sa pagkain at sa kalinisan. Kailangang magkaroon ng sapat na pagkain at pagpapanatili ng kalinisan sa mga evacuation center.
Mahirap umanong kumalat ang karamdaman sapagkat mas malaking problema ang idudulot nito.
Nagbigay siya ng P 20 milyon kay Gobernador Bichara at nangakong magpapadala pa ng P 30 milyon bukas. Naglaan din ang Philippine Charity Sweepstakes Office ng P 5 milyon. Bagaman, sinabi ni Pangulong Duterte na kailangan pang magbigay ng PCSO ng dagdag na P 30 milyon.
Magpapadala ng portable toilets si Pangulong Duterte at sinabihan si Defense Secretary Delfin Lorenzana na hilingan ng eroplano ang Armed Forces of the Philippines na magdadala ng malilikom na palikuran sa pinakamadaling panahon.
Nakagastos na rin ang pamahalaan ng higit sa P 80 milyon bilang unang bugso ng tugon sa pangangailangan ng lumalaking bilang ng evacuees.
Inatasan din ni G. Duterte si Agriculture Secretary Emmanuel Pinol na tugunan ang pangangailangan ng mga magsasakang napinsala ang mga pananim at hayupan. May utos din sa Department of Social Welfare and Development na pag-ibayuhin ang cash-for-work program upang kumita ang mga nasa evacuation centers.
Nanawagan si Camalig Mayor Ardhail Baldon na magtayo na ng permanent evacuation centers upang 'di na magamit pa ang mga paaralan at nang huwag nang maantala ang pag-aaral ng mga kabataan.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, mas makabubuting ideklarang 'no-man's land' ang permanent danger zone upang huwag nang magsaka ang mga naninirahan doon.
Ipinaliwanag naman ni Pangulong Duterte na karamihan sa mg lupain sa permanent danger zone ay may titulo at pag-aari ng mga pribadong mamamayan kaya't mangangailangan ng expropriation proceedings na magtatagal pa.
Natapos ang briefing ni Pangulong Duterte ikalima't kalahati ng hapon at humiling na sumakay ng helicopter upang makita ang pagbuga ng abo ng bulkang Mayon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |