ISANG mambabatas ang humiling sa Department of Health na isakdal na ang mga opisyal ng kumpanyang Franses na Sanofi Pasteur sa pagkasawi ng tatlong bata na nabigyan ng kontra-dengueng bakuna na Dengvaxia.
Sa pagdinig sa House of Representatives, tinanong ni Congresswoman Estrellita Suansing kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo kung may balak silang ipagsakdal ang mga tauhan ng Sanofi pasteur, ang gumawa ng Denvaxia.
Ayon kay G. Domingo, inaalam nila ang usapin, ang bakuna at ang mga nasawi. Kailangang gumawa ng pagsubok at pagsusuri ang mga dalubhasa ng UP-Philippine General Hospital bago maghain ng pormal na reklamo.
Hindi naman umano magtatagal ang pagsubok o tests at kailangan lamang makakuha ng ilang samples at magagawa ang mga pagsubok sa Pilipinas, dagdag pa ni G. Domingo.
Nagtanong pa si Congresswoman Suansing kung hindi pa sapat ang usapin ng tatlong nasawi upang magreklamo sa hukuman laban sa Sanofi Pasteur.