Binuksan kamakalawa, Sabado, ika-17 ng Pebrero 2018, sa Yangon, Myanmar, ang 2018 Chinese Film Festival.
Sa isang linggong pestibal na ito, itinatanghal sa mga sinehan sa 12 lalawigan ng Myanmar ang 4 na dubbed Chinese film sa wikang Myanmar, na kinabibilangan ng "Xuan Zang," "Kung-Fu Yoga," "Detective Chinatown," at "Go Away, Mr. Tumour."
Sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Hong Liang, Embahador ng Tsina sa Myanmar, na ito ang ikalawang pestibal ng pelikulang Tsino sa Myanmar, pagkaraang idaos noong Oktubre ng nagdaang taon ang una, na lubos na kinagiliwan ng mga lokal na mamamayan. Umaasa aniya siyang mapapalalim ng ganitong aktibidad ang pag-uunawaan at pagkakaibigan ng mga mamamayan ng Tsina at Myanmar.
Sinabi naman ni Pe Myint, Ministro ng Impormasyon ng Myanmar, na nagugustuhan ng mga mamamayan ng Myanmar ang mga pelikula at TV drama ng Tsina. Ang panonood ng mga ito aniya ay makakatulong sa pag-uunawa sa kasaysayan at kultura ng Tsina, at pagpapalakas ng relasyong pangkaibigan ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai