Ibinigay kahapon, Lunes, ika-26 ng Pebrero 2018, sa Royal Cambodian Army General Hospital ang mga maunlad na kagamitang medikal ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina. Ito ay bahagi ng pagpapalitan at pagtutulungang militar ng dalawang bansa.
Sa seremonya ng pagpapaabot na idinaos sa Phnom Penh, nagpahayag ng pasasalamat sa panig Tsino si Tea Banh, Pangalawang Punong Ministro at Ministro ng Tanggulang Bansa ng Kambodya. Aniya, ang naturang mga kagamitan ay malaking tulong sa Kambodya, para sa pagpapaunlad ng usaping medikal.
Ipinahayag naman ni Xiong Bo, Embahador ng Tsina sa Kambodya, na ang pag-aabuloy ng naturang mga kagamitan ay bunga ng pinapalakas na pagpapalitan at pagtutulungang militar ng Tsina at Kambodya.
Ayon sa ulat, bukod sa naturang mga kagamitan, ipinadala ng panig Tsino ang isang grupong medikal na binubuo ng 6 na doktor, sa Royal Cambodian Army General Hospital. Sila ay magbibigay ng tulong panteknolohiya at pagsasanay sa panig Kambodyano.
Salin: Liu Kai