Binuksan na ngayong araw, Huwebes, Marso 1, 2018, sa Nha Trang, Vietnam ang Ika-23 Pulong ng Magkasanib na Grupo sa Pagpapatupad sa Declaration of Conduct of Parties in the South China Sea (DOC). Sa dalawang araw na pulong, malalimang magpapalitan ng kuru-kuro ang mga kinatawan mula sa Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) hinggil sa pagpapasulong ng mga pragmatikong pagtutulungang pandagat, talastasan hinggil sa Code of Conduct (COC) in the South China Sea, at iba pa.
Ito ang ipinahayag ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon Miyerkules, Pebrero 28, 2018, sa Beijing.
Idinagdag pa ni Lu na sa pamamagitan ng magkasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansa ng ASEAN, nananatiling matatag at maganda ang tunguhin ng kalagayan sa nasabing dagat. Ipinagdiinan din niyang may mithiin at kompiyansa ang nabanggit na mga bansa na ipagpatuloy ang diyalogo at pagtutulungan para magkaroon ng mas maraming progreso at bunga, at ibayo pang patatagin ang mainam na situwasyon sa rehiyon.
Salin: Jade
Pulido: Rhio