|
||||||||
|
||
EU, MAKAKABALIKAT PA NG PILIPINAS. Sinabi ng dumadalaw na opisyal ng European Union na nakatuon ang kanilang pansin sa renewable energy at sa Mindanao. Ayon kay Director-General Stefano Manservisi ng International Cooperation and Development, mahalaga ang pagsusulong ng peace process sa Mindanao. (Melo M. Acuna)
SINABI ni Director-General for International Cooperation and Development Stefano Manservisi na nakatuon ang pansin ng European Union sa renewable energy at sa Mindanao.
Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa Embahada ng European Union sa Makati City, sinabi ng dumadalaw na opisyal na ikinalulugod nilang ipinasa na ng Senado ang Framework Agreement on Partnership and Cooperation sa pagitan ng Pilipinas at European Union noong nakalipas na Enero.
Naging makabuluhan, maayos at mahalaga ang kanyang pakikipagpulong kina dating Senate President at ngayo'y Special Envoy to the European Union Edgardo J. Angara, Senate President Aquilino Pimentel III, Finance Secretary Carlos Dominguez at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia.
Pinag-usapan nila ang mga paraan upang higit na pakinabangan ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at European Union.
Niliwanag ni G. Marservisi na walang sinuman sa kanyang mga nakausap ang bumanggit ng hinggil sa Human Rights. Pinag-usapan nila ang mga interes ng magkabilang panig at ang kahalagahan ng mga ito sa rehiyon.
Mula 2014 hanggang 2020, naglaan ang European Union ng € 325 milyon para sa development projects at investments na nakatuon sa renewable energy sapagkat mayroon pang 10% ng mga mamamayan ang walang serbisyo ng kuryente. Mahalaga rin sa kanila ang nagaganap sa Mindanao sapagkat naniniwala sila sa pagsusulong ng peace process.
Layunin nilang magkaroon ng mas maraming trabaho para sa mga Filipino sa pamamagitan ng investments.
Kung mayroon mang mga 'di pagkakaunawaan at may mekanismo ang kasunduang iparating sa kabilang panig ang mga isyu at pag-aatubili upang malutas kaagad.
Nawala ang € 6.1 milyong tulong ng European Union sapagkat walang malinaw na paraan na binanggit ang Pilipinas kung paano gagamitin ang pondo. Nakatakda sanang lagdaan ang kasunduan noong Disyembre subalit hindi ito nalagdaan ng Pilipinas.
Unang lumabas sa balita na tinanggihan ng Pilipinas ang tulong dahil sa panghihimasok sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |