Sa kanyang panayam sa China Radio International (CRI) sa sidelines ng Unang Sesyon ng Ika-13 Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina, ipinahayag ni Zhao Wanping, Deputado ng NPC at Pangalawang Presidente ng Academy of Agricultural Sciences ng Lalawigang Anhui, na ang pagpawi ng kahirapan ay isang isyung pandaigdig. Aniya, karamihan sa kahabaan ng Belt and Road ay mga umuunlad na bansa at rehiyon, at ang pagpawi ng kahirapan ay kanilang komong tungkulin. Kaya aniya, ang pagsasagawa ng kooperasyon sa pagpawi ng kahirapan sa balangkas ng Belt and Road Initiative ay mabisang magpapataas ng komprehensibong kakayahan sa pagpawi ng kahirapan sa mga umuunlad na bansa, at makakatulong sa komong pag-unlad na may mutuwal na kapakinabangan at win-win situation.
Sinabi pa ni Zhao, sapul noong Ika-18 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina, nabawasan ng mahigit 68 milyon ang bilang ng mahihirap, at bumaba rin sa 3.1% mula 10.2% ang poverty incidence. Aniya, target ng Tsina ay puksain ang kahirapan sa lahat ng populasyon ng kanayunan, batay sa umiiral na pamantayan, sa taong 2020. Bilang pinakamalaking umuunlad na bansa sa daigdig, kapansin-pansin aniya ang natamong bunga ng Tsina sa pagpawi ng kahirapan. Nakahanda ang Tsina na ibahagi ang mga paraan, teknolohiya at karanasan nito sa pagpawi ng kahirapan sa ibang bansa, dagdag ni Zhao.
Salin: Vera