Changchun, Lalawigang Jilin ng Tsina—Idinaos dito Miyerkules, Marso 14, 2018, ng Thailand Board of Investment (BOI) ang pulong hinggil sa promosyon ng pamumuhunan sa Thailand. Umaasa ang panig Thai na sa pamamagitan ng pagkakataong ito, matutulungan ang mga bahay-kalakal ng kapuwa panig para mas mabuting malaman ang mga kaukulang patakaran sa pamumuhunan ng dalawang bansa.
Ipinahayag ni Donlaporn Ajavavarakula, Direktor ng Tanggapan ng BOI sa Beijing, na malawak ang prospek ng kooperasyon ng Thailand at Tsina, sa mga larangang gaya ng industriya ng high-end na pagyari, agrikultura at iba pa. Aniya pa, may kalakihang bentahe ang Lalawigang Jilin sa nabanggit na mga larangan.
Sinabi naman ni Xu Tao, Pangalawang Direktor ng Departamento ng Komersyo ng Jilin, na sa hinaharap, gagawing pokus ng kanyang lalawigan ang mga may bentaheng industriya na gaya ng mga piyesa ng kotse, sasakyang pandaambakal, medisina, kalusugan, pagpoproseso ng produktong agrikultural, at iba pa. Ito aniya ay para tulungan ang mga bahay-kalakal ng Jilin na isagawa ang de-kalidad na kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan sa panig Thai.
Ipinakikita ng datos na noong 2017, 2.45 bilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng Jilin sa Thailand. Noong nagdaang Enero, 326 milyong yuan ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas sa pagitan ng magkabilang panig, na lumaki ng 59%.
Salin: Vera