Ipinadala ngayong araw, Sabado, ika-17 ng Marso 2018, ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina, ang mensahe bilang pagbati sa kanyang pagkahalal sa posisyong ito, sa sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina.
Sinabi ni Putin, na ang desisyong ito ng NPC ay muling nagpapatunay ng mataas na reputasyon ni Xi. Ito rin aniya ay pagkilala sa kanyang ambag sa pagpapasulong ng mabilis na kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan ng Tsina, at pagtatanggol sa mga interes ng bansa sa arena ng daigdig.
Dagdag ni Putin, salamat sa pagpapasulong ni Xi, ang relasyong Ruso-Sino ay umabot ngayon sa mataas na lebel, na walang katulad sa kasaysayan. Ipinahayag niya ang kagalakan sa muling pakikipagtagpo kay Xi.
Nananalig din aniya si Putin, na sa magkasamang pagsisikap ng dalawang panig, ibayo pang mapapatatag ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng Rusya at Tsina. Ito aniya ay magdaragdag ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at magpapasulong sa katiwasayan at katatagan sa Eurasia at buong daigdig.
Salin: Liu Kai