Ipinahayag Miyerkules, Marso 28, 2018 ni Robert Lighthizer, Kinatawang Pangkalakalan ng Estados Unidos (USTR) na may pag-asang magkaroon ng mabungang resulta ang pag-uusap sa kalakalan sa pagitan ng Tsina at Estados Unidos.
Sa panayam sa CNBC, sinabi ni Lighthizer na magkakaiba ang sistemang pangkabuhayan ng Tsina at Amerika, at posibleng umabot sa magandang kalagayan ang relasyong pangkalakalan ng dalawang bansa makaraang makaranas ng serye ng kahirapan nitong ilang taong nakalipas.
Ayon kay Lighthizer, hindi matatagalan ipapatalastas ng Opisina ng USTR ang listahan ng mga panindang Tsino na sasailalim sa posibleng taripa. Pagkatapos, sa susunod na 60 araw, bibigyan ang publiko ng pagkakataon para magkomento hinggil dito.
Nitong nagdaang linggo, sa kabila ng pagtutol mula sa iba't ibang panig, pumirma si Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos sa memorandum na maaaring mauwi sa pagpapataw ng 60 bilyong US dollar na taripa sa mga produktong Tsino. Ang nabanggit na memorandum ay batay sa Section 301 investigation na inilunsad ng administrasyon ni Trump noong Agosto, 2017, hinggil sa mga gawa ng Tsina na may kinalaman sa kaparatan ng pagmamay-ari ng likhang-isip at paglilipat ng teknolohiya.
Salin: Jade
Pulido: Rhio