Ipinatalastas ngayong araw, Martes, ika-3 ng Abril 2018, ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na dadalo at magtatalumpati si Pangulong Xi Jinping sa seremonya ng pagbubukas ng taunang pulong ng Boao Forum for Asia (BFA), na idaraos sa ika-8 ng buwang ito sa Boao, lalawigang Hainan sa timog ng Tsina.
Ayon kay Wang, sa talumpati, ilalahad ni Xi ang hinggil sa ibayo pang pagpapalawak ng Tsina ng pagbubukas sa labas at ibayo pang pagpapalalim ng reporma. Ipapatalastas din niya ang mga konkretong hakbangin sa aspektong ito.
Ayon pa rin sa iskedyul, makikipagtagpo si Xi sa mga kalahok na lider ng mga bansa at organisasyong pandagdig, at mga miyembro ng board of directors ng BFA. Makikipag-usap din siya sa mga kinatawan ng mga mangangalakal na Tsino at dayuhan.
Ayon sa ulat, si Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas ay kasama sa mga lider na dadalo sa kasalukuyang taunang pulong ng BFA.
Salin: Liu Kai