|
||||||||
|
||
UMALIS na si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Boao Forum for Asia mula sa Davao City kanina.
Sa isang pre-departure press briefing, sinabi ni Pangulong Duterte na ang pag-asa ng Pilipinas ay nasa Asia at wala sa Gitnang Silangan. Inamin niyang kailangan niya ng salapi upang matustusan ang pangangailangan ng bansa at nauunawaan ito ni Chinese President Xi Jinping.
Kasabay ito ng kanyang panawagan sa mga taga-Marawi City na huwag madaliin ang pagpapagawa ng mga napinsalang pasilidad sa lungsod at ang pagpapabalik sa mga lumikas sapagkat ginagawa pa ng pamahalaan ang paglilinis upang manatiling ligtas ang mga mamamayan.
Naghahanap pa rin ng salapi ang pamahalaan upang matusutusan ang mga kailangan sa pagbangon ng Marawi City.
Ibinalita rin ni G. Duterte na may nakalaang 500 milyon mula sa Tsina, Hindi nga lamang binanggit ng pangulo ang uri ng salapi, kung dolyar, piso at renmenbi.
Kailangan ding matiyak na mabawi at mapasabog ang mga bala ng mortar at iba pang gamit sa digmaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa kanilang dako, handa si Pangulong Duterte na talakayin ang potensyal at posibilidad ng pinag-isang pagsusuri at pagtuklas ng mga yamang likas sa karagatan. Isa itong posibilidad sa kanilang pag-uusap ni Pangulong Xi Jinping bukas ng hapon.
Kalakalan ang pag-uusapan nila at umaasa siya sa katapatan ng Tsina sa pangako nitong 'di magtatayo ng mga pasilidad sa Scarborough Shoal. Nagkasundo ang dalawang bansa na pag-usapan ang mga 'di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng bilateral consultative mechanism na regular na nagpupulong.
Magtutungo din si Pangulong Duterte matapos ang Boao Forum for Asia sa Hong Kong at magbabalik sa Pilipinas sa Huwebes, ika-12 ng Abril.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |