Tokyo, Hapon—Ipinangako Linggo, Abril 15, 2018 nina Zhong Shan, dumadalaw na Ministro ng Komersyo ng Tsina at Hiroshige Seko, Ministro ng Kalakalan at Industriya ng Hapon na ibayo pang pasusulungin ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Ngayong taon ay ika-40 anibersaryo ng paglagda ng Tsina't Hapon sa Kasunduan ng Kapayapaan at Pagkakaibigan, at ika-40 anibersaryo ng pagsasagawa ng Tsina ng reporma at pagbubukas. Inilahad din ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang isasagawang hakbangin at patakaran para ibayo pang magbukas sa labas ang bansa, sa katatapos na Boao Forum for Asia.
Nagkasundo ang dalawang ministro na sasamantalahin ang nasabing mga pagkakataon para mapalalim ang pagtutulungan sa magkasamang paggagalugad sa pamilihan ng ikatlong panig, high-end na industriya ng paggawa, at kalakalan sa serbisyo. Sumang-ayon din silang ibayo pang pasulungin ang talastasan hinggil sa sona ng malayang kalakalan ng Tsina, Hapon at Timog Korea; at pasulungin ang talastasan ng Regional Comprehensive Economic Partnership upang magkaroon ng substansyal na progreso sa taong ito. Ipinahayag din ng dalawang ministro ang pagtutol sa proteksyonismong pangkalakalan, at pahigpitin ang pagtutulungan, sa ilalim ng balangkas ng World Trade Organization.
Salin: Jade
Pulido: Rhio