Sa bisperas ng Spring Festival, o Chinese New Year, ipinahayag Huwebes, Pebrero 8, 2018 ni Punong Ministro Shinzo Abe ang pagbati sa mga overseas Chinese sa bansa. Ang kanyang bati ay inilathala sa isang diyaryo sa wikang Tsino.
Sa mensahe, sinabi ni Abe na ang 2018 ay ika-40 anibersaryo ng paglagda ng Tsina at Hapon ng Tratadong Pangkapayapaan at Pangkaibigan. Sa okasyong ito, inulit niya ang kahandaang ibayo pang pabutihin ang relasyong Sino-Hapones, na mararamdaman ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Idinagdag pa niyang noong Nobyembre, 2017, dumalaw siya sa Tsina at nakipagtagpo sa mga lider na Tsino. Umaasa aniya siyang sa taong 2018, maiaangat sa bagong yugto ang relasyon ng dalawang bansa, sa pamamagitan ng pagdadalawan sa mataas na antas.
Sinabi rin ni Abe na noong 2017, lumampas sa pitong milyon ang bilang ng mga turistang Tsino sa Hapon. Lubos din aniyang kinagigiliwan ng mga Hapones ang bagong-silang na panda na si Xiang Xiang sa Ueno Zoological Gardens. Tinukoy niyang sa taong 2018, patuloy na pasusulungin ng dalawang bansa ang pagpapalitan at pagtutulungan sa kultura, palakasan, turismo, pulitika, at kabuhayan. Umaasa aniya siyang patuloy na susuportahan ng mga overseas Chinese sa Hapon ang pagpapasulong ng relasyong Sino-Hapones.
Salin: Jade
Pulido: Rhio