Sa paanyaya ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, ang kanyang counterpart na Indiyano na si Sushma Swaraj ay dadalaw sa Tsina, kasabay ng paglahok sa Pulong ng Konseho ng mga Ministrong Panlabas ng Shanghai Cooperation Organization (SCO), na gaganapin Abril 24, 2018, sa Beijing.
Ito ang ipinahayag ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon Miyerkules, Abril 18, 2018.
Idinagdag pa ni Hua na bilang mahalagang magkapitbansa at dalawang pangunahing umuunlad na bansa at bagong-sibol na kabuhayan, kinakikitaan ang relasyon ng Tsina at India ng magandang tunguhin ng pag-unlad pagpasok ng taong ito. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng India, para mapalawak ang mga pragmatikong pagtutulungan, maayos na hawakan ang mga pagkakaiba, at magkaroon ng mas malaking pag-unlad sa relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Jade
Pulido: Mac