Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Philippine Tourism Product Presentation at Business Matching, idinaos sa Beijing

(GMT+08:00) 2018-04-19 17:59:40       CRI
 

Beijing - Sa kanyang pambungad na talumpati sa Philippine Tourism Product Presentation at Business Matching, na idinaos ngayong araw, Abril 19, 2018 sa Hilton Hotel, ipinahayag ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na ang Tsina ang ika-2 pinakamalaking pinanggagalingan ng turista ng Pilipinas, at noong nakaraang taon, naging kapansin-pansin ang paglaki ng bilang ng mga turistang Tsino na pumasyal sa Pilipinas.

 Bumigkas ng talumpati si Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina

Aniya, ayon sa datos ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas (DOT), mula Enero hanggang Disyembre 2017, halos 970,000 na turistang Tsino ang nagpunta sa Pilipinas.

Ito aniya ay 43. 3% na mas mataas kumpara sa nakaraang taon.

Malaki aniya ang naitulong dito ng patuloy pang bumubuting relasyon ng dalawang bansa.

Pero, kamakailan, pansamantala aniyang isinara ng Pilipinas sa mga turista ang Boracay para sa rehabilitasyon.

Bagamat, ito'y may negatibong epekto sa ekonomiya ng Pilipinas, naniniwala si Sta. Romana sa kasabihang, "kapag ang isang pinto ay nagsara, may isang bintanang magbubukas."

Aniya, ito'y isang ginintuang pagkakataon upang i-promote ang iba pang kasing-ganda, o iba pang mas magandang destinasyon sa Pilipinas, na tulad ng Palawan, Cebu, Bohol, Siargao, Ilocos, Bicol, Davao at marami pang iba.

Maliban dito, ang Pilipinas aniya ay mayroong mga pasilidad para sa mga miting, kumbensyon at iba pang pagtitipon, na kompetitibo at magandang pagpipilian.

Sa mahalagang suporta ng Tsina, maaabot aniya ng Pilipinas ang target na 1.5 hanggang 2 milyong turistang Tsino sa taong ito, sa pamamagitan ng mga alternatibong destinasyong panturismo.

Umaasa aniya siyang sa suporta ng sirkulong panturismo ng Tsina, mas marami pang Tsino ang magtutungo sa Pilipinas, at susulong ang konektibidad at pag-uunawaan ng mga Pilipino at Tsino.

 Bumigkas ng talumpati si Tourism Attache Tomasito Umali ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas - Tanggapan sa Beijing

Samantala, sa kanya namang hiwalay na talumpati, ipinahayag ni Tourism Attache Tomasito Umali ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas - Tanggapan sa Beijing, na ayon sa pinakahuling pananaliksik, 534 na bagong isla ang natuklasan sa Pilipinas, kaya, ang bansa ay mayroon na ngayong 7,641 na kabuuang bilang ng mga isla.

Maraming marami pa aniyang isla at magagandang destinasyon ang maaring bisitahin ng mga Tsino sa Pilipinas.

Ipinagdiinan pa ni Umali na may di-nauubos na suplay ng sariwa at malinis na hangin ang Pilipinas, at ito'y handang ibahagi ng mga Pilipino sa mga Tsino.

May mainit din aniyang klima ang Pilipinas, na laging bukas-palad na tumanggap sa mga kaibigang Tsino.

Dagdag pa niya, may napakahabang relasyon ang mga Pilipino at Tsino: patunay rito ang mga kagamitan at seramikong natagpuan sa mga katubigan ng Pilipinas, na nagmula pa sa ika-9 na siglo, sa panahon ng Dinastiyang Song ng Tsina.

Sa ngayon, may 1.5 milyong salinlahi ang mga Tsino sa Pilipinas at 6 sa kanila ay naging pangulo ng bansa.

Group photo ng mga kalahok

Sa pamamagitan ng mga impormasyong ito, ipinahayag ni Umali ang malugod na pagtanggap sa mga Tsino sa kanilang pagbisita sa Pilipinas.

Bilang panapos, sinabi niyang, sa pamamagitan ng matibay na relasyon at pagkakaibigan, maabot ng mga Pilipino at Tsino ang kanilang komong hangarin na kapayapaan at pag-unlad.

Ang Philippine Tourism Product Presentation at Business Matching ay nilahukan ng 16 na kompanyang panturismo ng Pilipinas at mahigit 120 kompanyang panturismo ng Tsina.

Ito'y magkasamang inorganisa ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas - Tanggapan sa Beijing at Philippine Tourism Promotions Board.

Nagpapalitan ang mga kalahok para sa kooperayson

Ulat: Rhio
Larawan: Lele
Web-edit: Lele/Jade

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>