Pormal na inaprobahan kahapon, Biyernes, ika-20 ng Abril 2018, ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Konseho ng Estado ng bansa, ang master plan para sa Xiongan New Area.
Ayon sa may kinalamang dokumentong inilabas ng naturang dalawang organo, ang pagtatayo ng Xiongan New Area sa hilagang Tsina, ay mahalagang desisyon at hakbangin ng Komite Sentral ng CPC na ang nukleo ay si Xi Jinping. Ang Xiongan ay magiging lokasyon para sa mga non-capital function at bahagi ng populasyon ng Beijing, at ito ay makakabuti sa koordinadong pag-unlad ng Beijing, Tianjin Municipality, at Hebei Province.
Dagdag ng dokumento, ang Xiongan ay isa pang lugar na may kahalagahan sa antas ng estado, kasunod ng Shenzhen Special Economic Zone at Shanghai Pudong New Area. Ang pagtatayo nito ay may pangmalayuang kahalagahan sa darating na libu-libong taon.
Hiniling din ng dokumento, na gawin ang isang siyentipikong plano para sa pagtatayo ng Xiongan New Area. Ang Xiongan din ay dapat maging modelo ng de-kalidad na pag-unlad, at lakas-tagapagpasulong sa modernong sistemang pangkabuhayan ng Tsina, dagdag pa nito.
Salin: Liu Kai