Great Hall of the People, Beijing — Kinatagpo Lunes, Abril 23, 2018, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mga puno ng dayuhang delegasyong kalahok sa meeting ng SCO Council of Foreign Ministers na kinabibilangan nina Ministrong Panlabas Sergei Lavrov ng Rusya, Ministrong Panlabas Sushma Swaraj ng India, Ministrong Panlabas Kairat Abdrakhmanov ng Kazakhstan, Ministrong Panlabas Erlan Abdyldaev ng Kyrgyzstan, Ministrong Panlabas Khawaja Asif ng Pakistan, Ministrong Panlabas Sirodjidin Aslov ng Tajikistan, Ministrong Panlabas Abdulaziz Kamilov ng Uzbekistan, Pangkalahatang Kalihim Rashid Alimov ng SCO, at Yevgeniy Sysoyev, Director ng Executive Committee ng SCO Regional Anti-Terrorist Structure.
Tinukoy ni Pangulong Xi na nitong 17 taong nakalipas sapul nang maitatag ang SCO, ito'y nagsisilbing komprehensibong organisasyong rehiyonal na may malawakang impluwensiya. Aniya, komprehensibong isinusulong ng mga miyembro ng SCO ang kanilang kooperasyon sa iba't-ibang larangan, at aktibo silang nagpapatingkad ng konstruktibong papel sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Dagdag pa niya, matapos ang isang buwan, magtitipun-tipon ang mga lider ng mga miyembro ng SCO sa Qingdao, probinsyang Shandong ng Tsina. Nananalig aniya siyang sa ilalim ng magkakasamang pagsisikap ng iba't-ibang panig, tiyak na magiging matagumpay ang gagawing SCO Summit sa Qingdao.
Ipinahayag naman ng dayuhang panig na lubos na pinahahalagahan at inaasahan ng mga lider ng kanilang bansa ang pagdalo sa SCO Summit sa Qingdao. Lubos din nilang pinapupurihan ang ginagawang pagsisikap ng panig Tsino para sa nasabing summit.
Salin: Li Feng