|
||||||||
|
||
AABOT sa 8,000 mga manggagawa ang magsasama-sama sa pagkilos upang manawagan sa pamahalaan na wakasan na ang kontraktuwalisasyon. Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina, sinabi ni Anakpawis Congressman Ariel Casilao na nararapat pangatawanan ni Pangulong Duterte ang kanyang pangakong wawakasan ang kakaibang programa para sa mga manggagawa.
MGA MANGGAGAWA MAGMAMATRSA BUKAS, Ito ang sinabi ni Anakpawis Congressman Ariel Casilao (gitna) upang manawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na pangatawanan ang kanyang pangakong wawakasan ang kontraktuwalisasyon. Nasa kallwa si G. Sammy Malunes ng Kilusang Mayo Uno at nasa kanan naman si Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Trade Union Congress of the Philippines. (Melo M. Acuna)
Sinabi naman ni Sammy Malunes ng Kilusang Mayo Uno na nakalulungkot na tatlong ulit silang nagharap nina Pangulong Duterte sa pagbuo ng executive order na bigla na lamang sasabihing 'di ito malalagdaan. Ikinalungkot din niya ang pagpapasa nito sa Kongreso sapagkat patuloy na lalabnaw ang kanilang panukala.
Ayon naman kay Alan Tanjusay ng Trade Union Congress of the Philippines na umasa sila subalit hindi naman nagkatotoo. Sa likod nito, sinabi ni Atty. Sonny Matula na may posibilidad pang malagdaan ni Pangulong Duterte ang executive order sapagkat mahilig sa sorpresa ang pangulo.
Ito rin ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa Malacanang kanina. Depende umano ang magiging paglagda sa pag-uusap nina Pangulong Duterte at Labor Secretary Silvestre Bello III ngayong gabi.
Umaasang magkakaroon ng 8,000 manggagawa na magsasama-sama sa Mendiola upang manawagan sa pamahalaan. Nakahanda naman ang may 10,000 tauhan ng Philippine National Police upang dumalo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan bukas.
Sa Lungsod ng Maynila, may inilaang 2,000 mga pulis na ilalabas mula ikalima ng umaga sa may Embahada ng Estados Unidos, sa may punong tanggapan ng Department of Labor and Employment sa Intramuros at maging sa Liwasang Bonifacio.
Dadalo naman si Pangulong Duterte sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa sa Cebu City sa ganap na ika-sampu ng umaga.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |