Martes ng gabi, Mayo 8, 2018, sa paanyaya ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon, dumating ng Tokyo si Premyer Li Keqiang ng Tsina, para dumalo sa ika-7 pulong ng mga lider ng Tsina, Hapon at Timog Korea, at opisyal na dumalaw sa Hapon.
Sa kanyang talumpati sa paliparan, ipinahayag ni Li na sa kasalukuyang kalagayan, bilang tatlong pangunahing ekonomiya sa daigdig at mahahalagang bansa sa rehiyon, nagsasabalikat ang Tsina, Hapon at Timog Korea ng mahalagang responsibilidad para mapangalagaan ang globalisasyon ng kabuhayan at liberalisasyo't pasilitasyon ng kalakalan. Umaasa aniya siyang sa gaganaping ika-7 pulong ng mga lider ng tatlong bansa, mapapahigpit ang pagtitiwalaan, at magkakasamang hahanapin ang kooperasyon, para gumawa ng ambag sa kaunlaran, kasaganaan, kapayapaan, at katatagan ng rehiyon.
Dagdag pa ni Li na ang kasalukuyang taon ay ika-40 anibersaryo ng pagkalagda ng kasunduan ng Tsina at Hapon sa kapayapaan at pagkakaibigan. Umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng kasalukuyang pagdalaw, muling sasariwain nila ng Hapon ang diwa ng nasabing kasunduan, at mapasulong ang pagpapanumbalik ng relasyong Sino-Hapones sa normal na landas, batay sa mga simulaing tiniyak ng apat na dokumentong pulitikal ng dalawang bansa.
Sa panahon ng kanyang pananatili sa Hapon, makikipagtagpo at makikipag-usap si Li kina Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea, Emperor Akihito at Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon.
Salin: Vera