Kinatagpo sa Jakarta noong ika-7 ng Mayo, 2018, si Premiyer Li Keqiang ng Tsina ni Lim Jock Hoi, Pangkalahatang Kalihim ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ipinahayag ni Li na pinahahalagahan ng Tsina ang kooperasyon sa ASEAN. Aniya, kinakatigan ng Tsina ang sentral na katayuan ng ASEAN sa kooperasyong panrehiyon, at pagpapatingkad ng mas malaking papel sa pagbuo ng bukas at inklusibong rehiyon. Aniya, ang Tsina at ASEAN ay kapuwa umuunlad na ekonomiya, at malaki ang potensyal na pangkooperasyon ng dalawang panig. Dapat matatag na pangalagaan ang multilateralismo at malayang kalakalan, pasulungin ang progresong substansyal ng talastasan ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), dagdag ni Li.
Ipinahayag naman ni Lim ang pasasalamat sa Tsina sa pagkatig nito sa proseso ng pagbuo ng komunidad ng ASEAN. Nakahanda aniya ang ASEAN na aktibong mag-ugnay ng mga patakaran ng pag-unlad ng dalawang panig, ibayo pang palalimin ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, palawakin ang pagpapalitan ng mga tauhan, pangalagaan ang multilateral na sistemang pangkalakalan, at katigan ang pagtatayo ng RCEP sa lalong madaling panahon.
Salin: Lele