Beijing, Tsina—Linggo, Mayo 13, 2018, nakipag-usap si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, kay Mohammad Javad Zarif, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Iran.
Ipinahayag ni Wang na itinuturing ng Tsina ang Iran bilang mahalagang partner sa pagtatatag ng Belt and Road. Nakahanda aniya ang Tsino, na pangalagaan at paunlarin, kasama ng panig Iranyo, ang kooperasyon sa iba't ibang larangan.
Ani Wang, ang komprehensibong kasunduan sa isyung nuklear ng Iran ay bunga ng multilateralismo, at nakakatulong ito sa pangangalaga sa international non-proliferation system at kapayapaa't katatagan ng rehiyon ng Gitnang Silangan. Nakahanda aniya ang Tsina na panatilihin, kasama ng iba't ibang kaukulang panig na kinabibilangan ng Iran, ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan, at patuloy na pangalagaan ang nasabing kasunduan, batay sa obdiyektibo, makatarungan, at responsableng atityud.
Hinangaan ni Zarif ang paninindigan ng panig Tsino sa pangangalaga sa naturang komprehensibong kasunduan. Binigyang-diin niyang nakahanda ang panig Iranyo na patuloy na makipag-ugnayan at makipagkoordina sa iba't ibang panig na kumakatig sa kasunduang ito. Aniya, ipinalalagay ng panig Iranyo na ang paggarantiya sa tuluy-tuloy, komprehensibo't mabisang pagpapatupad ng kasunduan ay komong responsibilidad at obligasyon ng iba't ibang panig.
Salin: Vera