Washington — Magkahiwalay na nakipagtagpoMiyerkules, Mayo 16, 2018, si Liu He, Espesyal na Sugo ni Pangulong Xi Jinping, at Pangalawang Premyer ng Tsina, kina Henry Kissinger, dating Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, at mga U.S. lawmakers na gaya nina Orrin Hatch, President Pro Tempore ng Senado at Chairman ng Senate Finance Committee; at Kevin Brady, Chairman ng House Ways and Means Committee.
Sa kanyang pakikipagtagpo kay Kissinger, ipinahayag ni Liu na sa ilalim ng pamumuno nina Pangulong Xi Jinping at Donald Trump, natamo ng relasyong Sino-Amerikano ang mahalaga at positibong progreso. Aniya, layon ng kanyang biyahe na patuloy na pag-usapan kasama ng panig Amerikano, ang isyung pangkabuhayan at pangkalakalan, aktibong hanapin ang maayos na kalutasan, at pangalagaan ang malusog na pag-unlad ng relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Kissinger na napakahalaga ng relasyong Sino-Amerikano. Ito aniya ay may kaugnayan sa kapayapaan at kasaganaang pandaigdig. Dapat aniyang palakasin ng dalawang panig ang estratehikong pagsasanggunian, walang humpay na palawakin ang komong kapakanan, at maayos na kontrolin ang pagkakaiba.
Sa kanya namang pakikipagtagpo sa mga U.S. lawmakers, tinukoy ni Liu na ang pagpapaunlad ng matatag at malusog na relasyong pangkooperasyon ng Tsina at Amerika ay angkop sa pundamental na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Pinahahalagahan aniya ng panig Tsino ang papel ng Kongresong Amerikano, at nakahanda itong palakasin ang pagpapalitan ng dalawang panig.
Salin: Li Feng