|
||||||||
|
||
MALAKI ang posibilidad na makabawi ang mga naging biktima ng digmaan sa Marawi City sa susunod na ilang taon. Ito ang sinabi ni Director Myles Rivera, nangangasiwa sa Community Development ng Housing and Urban Development Coordinating Council at Task Force Bangon Marawi sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga.
Ipinaliwanag ni Director Rivera na may inilaang P 10 bilyon ang pamahalaan mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund para sa Marawi recovery, rehabilitation at reconstruction program samantalang may P 5 bilyon mula sa unprogrammed fund kaya't mayroong P 15 bilyon ngayong 2018.
Samantala, sinabi naman ni Bb. Heidi Anicete ng International Committee of the Red Cross na bukod sa tulong sa mga biktima ng digmaan sa pamamagitan ng pagkain at gamot, nakipag-ugnayan din sila sa mga kamag-anak ng mga dinakip at kinasuhan at pansamantalang nabilanggo.
Isa umanong mahirap ng karanasan ang maghanap ng mahal sa buhay na walang katiyakan ang kalagayan.
Sa panig ng Catholic Relief Services, sinabi ni G. Arnaldo Arcadio na nakapaglabas na sila ng higit sa isang milyong dolyar na halaga ng tulong sa mga napinsala. May inihahanda pa ring 2.5 milyong dolyar para sa mga susunod pang palatuntunan, dagdag pa ni G. Arcadio.
Mas marami umanong mga nagsilikas ang naninirahan sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan kaysa tumuloy sa mga evacuation center ng pamahalaan.
Ipinaliwanag naman ni Imam Ebra Moxsir, isang Police Supt. at naging chief of police ng Marawi City na ibayong problema ang kinaharap ng kanyang mga kababayan sa kanyang pagdating sa lungsod noong nakalipas na Hulyo, higit na sa isang buwan matapos sumiklab ang gulo. Kinailangan niyang kausapin ang mga kapwa niya Maranao upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod sa gitna ng mga sagupaan. Pinigil nila ang paglabas at pagpasok ng mga mamamayan sa lungsod sapagkat may posibilidad na makadagdag sa mga kakampi ng mga Maute.
Tiniyak ng mga kinatawan ng Task Force Bangon Marawi, International Committee of the Red Cross at maging Catholic Relief Services na magpapatuloy ang kanilang pagtulong sa mga nasalanta.
Sa darating na Miyerkoles, gugunitain ang unang taon ng pananalakay ng mga Maute sa Marawi City na naging dahilan ng limang buwang mga sagupaan sa pagitan ng mga kawal, pulis at mga sinasabing terorista.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |