Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Krisis sa Marawi City naging dahilan upang maging mas malapit ang Pilipinas sa Tsina

(GMT+08:00) 2017-12-05 11:24:54       CRI

NANINIWALA si Philippine Ambassador to China Jose Santiago "Chito" Sta. Romana na higit na naging malapit ang Tsina at Pilipinas sa kanilang pagtutulungan sa pagsugpo sa terorismo dulot ng mga Maute sa Marawi City.

Naiba na rin ang pagtingin ng mga Tsino sa Pilipinas na hindi na pamain o "Trojan Horse" ng American foreign policy.

Sa isang panayam sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippine Association for Chinese Studies (PACS), sinabi ni G. Sta. Romana na malaking kaibhan ang independent foreign policy ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapatunay na hindi sunod-sunuran ang Pilipinas sa dikta ng Washington.

Sa naganap sa Marawi City, nakita ang pakikiisa ng Tsina sa Pilipinas sa pagpapadala ng mga sandata at iba pang kagamitan upang masugpo ang terorismo at maibalik sa maayos na kalagayan ang mga nasalantang mamamayan.

INDEPENDENT FOREIGN POLICY NAKATULONG.  Ang pagbabago sa foreign policy ng bansa ang nakatulong sa pagbabago ng pananaw ng mga Tsino sa Pilipinas.  Ani Ambassador Chito Sta. Romana, hindi na kinikilala ang Pilipinas na sunod-sunuran sa gusto ng Washington.

Sa larangan ng ekonomiya, sinabi ni G. Sta. Romana na madali nang makita ang pagsisimula ng mga proyektong tutustusan ng Overseas Development Assistance ng Tsina tulad ng Chico River Dam upang matulungan ang mga magsasaka sa hilagang Luzon, Kaliwa Dam na pagkukunan ng tubig na maiinom ng mga nasa National Capital Region at ang long-haul train patungong Bicol Region.

Saklaw ng kinikilalang second basket of projects ang pinakamahabang tulay sa pagitan ng Panay at Negros na daraan sa Guimaras, ang Davao Expressway at Mindanao railways.

Maliwanag umanong mas mababa sa tatlong porsiyento ang interes ng mga pautang na ito, dagdag pa ni G. Sta. Romana. Umaasa rin siyang makakamtan ang isang milyong turistang Tsino sa pagsapit ng Lunar New Year sa unang bahagi ng taong 2018. Malapit na umanong matamo ang 800,000 visa applications sa ikatlong kwarter ng taong 2017. Mas marami na ring mga mag-aaral na Filipino ang nagtutungo sa Tsina upang magpatuloy ng kanilang pag-aaral. Marami na ring mga Filipino ang dumalaw sa puntod ni Sultan Paduka Pahala sa Shandong Province sa paggunita sa ika-600 taon ng kanyang pagpanaw samantalang naglalakbay pauwi sa Pilipinas.

Isa sa pinakamagandang nakamtan ng Pilipinas at Tsina ay ang pagbawas sa tensyon sa karagatan. Ipinaliwanag niyang ang bubuuhing code of conduct ay hindi lulutas sa mga 'di pagkakaunawaan ng dalawang bansa bagkos ay layunin nitong maibsan ang tensyon. Posible ring magkaroon ng fisheries agreement upang mapangalagaan ang yamang likas sa karagatan.

Kailangan lamang na madagdagan ang benepisyo ng pagkakaibigan ng dalawang bansa upang higit na madama ng mga mamamayan ang kahalagahan ng malapit na relasyon.

Malalagdaan ang ikalawang basta ng mga proyekto sa nakatakdang pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping sa susunod na taon. Walang binanggit na petsa si G. Sta. Romana sapagkat bahala na umano ang kani-kanilang Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na magbalita sa balana sa napipintong pagdalaw sa Maynila.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>