Great Hall of the People, Beijing—Martes, Mayo 22, 2018, nakipagtagpo si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa mga puno ng mga delegasyong dayuhan na lumalahok sa ika-13 pulong ng Security Council Secretaries ng Shanghai Cooperation Organization (SCO).
Binigyang-diin ni Xi na sa kasalukuyan, matatag sa kabuuan ang kalagayang panseguridad sa rehiyong ito, pero nahaharap pa rin ito sa matinding hamon ng "tatlong puwersa" na kinabibilangan ng terorismo, ekstrimismo at separatismo, at organisadong krimeng transnasyonal. Dapat aniyang patuloy na igiit ang komon, komprehensibo, kooperatibo, at sustenableng ideolohiyang panseguridad, palaganapin ang komprehensibong modelo ng pagsasaayos sa seguridad, para mapasulong ang kooperasyong panseguridad ng SCO sa bagong antas.
Tinukoy din niyang patuloy na pag-iisahin ng panig Tsino ang sariling seguridad at seguridad ng mga bansa sa rehiyong ito, para itatag, kasama ng mga kasaping bansa ng SCO, ang bagong relasyong pandaigdig na may paggagalangan, katwira't katarungan, at kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at pasulungin ang pagtatatag ng Community of Shared Future.
Ipinahayag naman ng mga kinatawang dayuhan na kinakatigan ng iba't ibang bansa ang mungkahing iniharap ng Tsina bilang tagapangulong bansa ng SCO, para sa pagpapasulong ng pagpapatupad ng mga komong palagay ng mga lider, magkakasamang pagharap sa komong hamong kinakaharap ng mga kasaping bansa, at pangangalaga sa kapayapaan at seguridad ng daigdig. Nakahanda anilang palawakin ang mahigpit na kooperasyon, upang mapatingkad ng SCO ang mas malaking papel sa mga suliraning pandaigdig.
Salin: Vera