Ipinahayag sa Beijing Linggo, Hunyo 3, 2018, ni Rashid Alimov, Pangkalahatang Kalihim ng Shanghai Cooperation Organization (SCO), na pagkaraan ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), unti-unting humuhupa ang tensyonadong situwasyon sa South China Sea (SCS). Ito aniya ay angkop sa kapakanan ng iba't-ibang panig.
Ani Alimov, kinumpirma ng mga kasaping bansa ng SCO na dapat pangalagaan ang kaayusan ng batas na pandagat sa pundasyon ng mga pandaigdigang batas na gaya ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Aniya, dapat mapayapang lutasin ang mga kaukulang hidwaan sa pamamagitan ng mapagkaibigang talastasan at pagsasanggunian ng mga may-kinalamang panig. Tutol aniya ang SCO sa pagiging internasyonal ng mga isyu at panghihimasok ng mga dayuhang puwersa.
Salin: Li Feng