Nag-usap ngayong araw, Biyernes, ika-8 ng Hunyo 2018, sa Beijing, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya. Sinang-ayunan nilang isakatuparan ang mas malaking pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, batay sa hene-henerasyon ng pagkakaibigan at estratehikong kooperasyon.
Ipinahayag ni Xi ang pagbati kay Putin, para sa pagsimula ng kanyang bagong termino bilang pangulo ng Rusya. Tinukoy niyang, hinog, matatag, at matibay ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng dalawang bansa, at natamo nila ang maagang bunga sa aspekto ng pag-uugnayan ng Belt and Road Initiative at Eurasian Economic Union.
Sinabi rin ni Xi, na patuloy na patitingkarin ng Tsina at Rusya ang positibong papel para sa kapayapaan ng mundo at katatagan ng estratehiyang pandaigdig, at igagarantiya ang tuluy-tuloy, malusog, at matatag na pag-unlad ng Shanghai Cooperation Organization (SCO).
Ipinahayag naman ni Putin, na ang relasyong Ruso-Sino ay modelo ng relasyon sa pagitan ng mga bansa sa kasalukuyang daigdig, at mahalaga ang papel ng dalawang bansa para sa kapayapaan, katiwasayan, at katatagan ng daigdig. Hinahangaan aniya ng panig Ruso ang pagsisikap ng Tsina para sa pagpapalakas ng kooperasyon ng mga kasaping bansa ng SCO. Nakahanda rin aniya ang Rusya, kasama ng Tsina, na pahigpitin ang koordinasyon at kooperasyon sa mga suliraning pandaigdig at sa loob ng balangkas ng mga organisasyong pandaigdig.
Salin: Liu Kai