Sa regular na preskon, ipinahayag Hunyo 7, 2018 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang pahihigpitin ng Myanmar ang pakikipagtulungan sa UN para tupdin ang Memorandum of Understanding na narating ng dalawang panig.
Winika ito ni Hua bilang tugon sa Memorandum of Understanding ng Myanmar at UN High Commissioner For Refugees at UN Development Programme hinggil sa pagtatatag ng balangkas na pangkooperasyon para magbigay-tulong sa pagbalik ng mga Rohingya sa kanilang lupang tinubuan.
Ipinahayag ni Hua na masalimuot ang dahilang pangkasaysayan sa isyu ng Rakhine State, Myanmar. Umaasa aniya siyang lulutasin ang nasabing isyu batay sa pinahigpit na diyalogo at negosasyon ng Myanmar at Bangladesh, at konstruktibong papel ng komunidad ng daigdig. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng komunidad ng daigdig para lumikha ng mainam na kondisyon, para pasulungin ang kalutasan ng nasabing isyu at maisakatuparan ang pangmatagalang kasaganaan at kaunlaran ng Rakhine.