Idinaos ngayong araw, Linggo, ika-10 ng Hunyo 2018, sa Qingdao, lunsod sa silangang Tsina, ang Ika-18 Summit ng Shanghai Cooperation Organization (SCO).
Sa kanyang talumpati sa summit, pinapurihan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, ang mga natamong bunga ng SCO, nitong 17 taong nakalipas sapul nang itatag ito. Nanawagan siya sa iba't ibang kasaping bansa ng SCO, na igiit ang Diwa ng Shanghai, bilang solusyon sa mga kahirapan, panganib, at hamon sa kasalukuyang panahon. Umaasa rin aniya siyang, sa patnubay ng Diwa ng Shanghai, itatatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng SCO.
Ipinaliwanag ni Xi, na ang Diwa ng Shanghai ay nagpopukus sa pagtitiwalaan, mutuwal na kapakinabangan, pagkakapantay-pantay, pagsasanggunian, paggalang sa kakaibahan ng sibilisasyon, at paghangad sa komong kaunlaran. Ito aniya ay palatandaan ng bagong pahina sa kasaysayan ng relasyong pandaigdig, at ito rin ay kinikilala ng komunidad ng daigdig.
Sinabi rin ni Xi, na sa kasalukuyan, ang SCO ay nagsisilbing isang komprehensibong organisasyon ng rehiyonal na kooperasyon na may pinakamalawak na saklaw at pinakamalaking populasyon sa daigdig. Ito'y nagiging mahalagang puwersa sa pagpapasulong ng kapayapaan at kaunlarang pandaigdig, at pangangalaga sa pagkakapantay-pantay at katarungang pandaigdig, dagdag niya.
Salin: Liu Kai