INIREKOMENDA ng Field Investigation Office ng Office of the Ombudsman na kasuhan ng katiwalian si dating Vice President Jejomar Binay hinggil sa sinasabing anomalya sa pagbebenta ng ari-arian ng Boy Scouts of the Philippines sa Makati City.
Sa isang pahayag, sinabi ng Ombudsman na inirekomenda ng FIO team na ipagsakdal si Ginoong Binay sa paglabag sa probisyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sasailalim pa ito sa preliminary investigation upang mabatid kung may sapat na dahilan ipagsakdal ang dating pangalawang pangulo.
Sinasabing makakasama sa mga ipagsasakdal sin BSP Senior Vice President Wendel Avisado, dating Marikina City Mayor Del De Guzman at Pangasinan 5th District Congressman Amado Espino, Jr. Isinama sina G. De Guzman at Espino sa kanilang tungkulin sa samahan.
Nananatiling opisuyal si G. Binay sa BSP National Executive Board ayon sa dokumentong natagpuang may petsang ika-11 ng Mayo 2017. Nagmula ang usapin sa pagbebenta ng pag-aari ng Boy Scouts of the Philippines na lupaing sa Malugay St. na may sukat na 10,000 metro kuwadrado sa halagang P 600 milyon. Napakababa umano ng kabayaran sa ari-arian sapagkat tinataya ng Omnibus Loan and Security Agreement sa pagitan ng BSP at AMPI ay nakasangla ang ari-arian sa halagang P 1.75 bilyon. Mayroon umanong appraisal value ang ari-arian ng P 10.3 bilyon sa halagang P 1.7 bilyon para sa lupaing nagkakahalaga ng P 170,000 bawat metro kuwadrado at mga gusaling nagkakahalaga ng P 8.43 bilyon.