|
||||||||
|
||
Si Alberto Monteras II, Best Director Nominee sa Asian New Talent Award para sa pelikulang Respeto
Dalawang pelikula mula sa Pilipinas ang lumalahok ngayong taon sa Asian New Talent Award ng Ika 21 Shanghai International Film Festival (SIFF). Ang pelikulang Respeto ay tumanggap ng nominasyon para kay Alberto Monteras II bilang Best Director at Best Actor nominee naman ang bidang si Abra. Samantala, ang Nervous Translation ay nominado para sa Best Script Writer (Shireen Seno), Best Actress (Jana Agoncillo) at Best Cinematographer (Jippy Pascual/Dennese Victoria).
Panayam ng CRI Kay Alberto Monteras II, matapos ang press conference
Sa panayam ng CRI Filipino Service, sinabi ni Monteras na ipinagmamalaki niyang maging bahagi ng kumpetisyon ng mga pelikulang kapwa tumatalakay sa usapin ng karapatang pantao. Pangunahing adbokasiya niya ang paksang ito at ito rin ang dahilan kung bakit niya ginawa ang Respeto. Aniya ang hip hop ay palagiang tumatalakay sa pulitika at opresyon.
"Sabik na sabik at napakasaya namin na nominado kami at bahagi kami ng SIFF dahil gusto talaga naming gawin ang Asian premier sa pestibal na ito. Noong nakaraang taon Pilipino ang nanalo at siya ang mentor ko. Privileged akong makapunta dito," dagdag ni Monteras.
Panayam ng CRI Kay Alberto Monteras II, matapos ang press conference
Ano ang tanging mensahe na nais niyang ibahagi sa mga manonood? Sagot niya, "Respeto sa sarili, respeto sa bawat tao, respeto sa karapatang pantao."
Unang acting job ni Abra ang pelikula at sa Pilipinas napanalunan niya ang maraming awards na kinabibilangan ng Gawad Urian, pinakaprestiyosong award giving body sa bansa. Hinggil sa nominasyon ng sikat sa rapper sa Asian New Talent Best Actor award, ito ay isa nang achievement bilang direktor lalo pa't di talaga umaarte sa pelikula si Abra. Ani Monteras "Masayang masaya ako sa kanya kasi lahat ng award shows sa Pilipinas nominated siya. Bonus pa dahil napasama siya (sa nominees) dito sa Shanghai."
Si Alberto Monteras II (una sa kaliwa), kasama ang ibang mga nominado mula sa Iran at Hapon
Ang Respeto ay kwento tungkol kay Hendrix na nangangarap sumikat bilang rapper. Pero nasasangkot siya sa masalimuot na mundo ng krimen at nalulugmok sa kahirapan. Nakilala niya si Doc isang makata na may tagong nakaraan. Mababago ba nila ang kanilang kapalaran? Tampok sa pelikula ang taglay ng lakas ng rap, musika at sining ng tula sa panahon ng karahasang dulot ng laban kontra iligal na droga sa Pilipinas. Ang Respeto ang unang feature film ni Alberto "Treb" Monteras II.
Ulat : Mac Ramos
Larawan : Vera
Pulido: Jade
Web editor: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |