Seremonya ng pagtataas ng watawat bilang pagdiriwang sa ika-21 anibersaryo ng pagbalik ng HK sa Inang-bayan, sa HK, Tsina, Hulyo 1, 2018 (Xinhua)
Ngayon ay ika-21 anibersaryo ng pagbalik ng Hong Kong sa inang-bayan. Sa isang resepsyon bilang pagdiriwang sa okasyong ito, ipinahayag ni Carrie Lam, Punong Ehekutibo ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) na mayroon siyang mas malakas na kompiyansa sa Hong Kong, isang taon makaraang italaga siya sa puwesto.
Ipinagdiinan ni Lam na nitong isang taong nakalipas, buong tatag na nananangan ang pamahalaan ng HKSAR sa prinsipyong "isang bansa". Hinding hindi aniya pinahintulutan ang sinuman na lumabag sa bottom line na ito. Samantala, sinabi rin niyang buong buting sinasamantala ng pamahalaan ng HKSAR ang mga bentahe ng "dalawang sistema" sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI) at pagpapaunlad ng Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area.
Noong 2017, umabot sa 3.8% ang paglaki ng Gross Domestic Product (GDP) ng HK at samantalang umakyat naman sa 4.7% ang paglaki nitong nagdaang unang kuwarter ng taong 2018. Bukod dito, bumaba naman sa 2.8% ang unemployment rate, pinakamababa nitong 20 taong nakalipas. Dagdag pa ni Lam, tumaas ang kita ng mga taga-HK sa pangkalahatan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio