Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Liangjiahe: Pagtakas (4)

(GMT+08:00) 2018-07-06 19:38:07       CRI

Ito ang ikaapat na episode ng literary non-fiction na pinamagatang Liangjiahe, kung saan mababakas ang pitong taong pamumuhay at pagtatrabaho ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kasama ng mga taga-nayon ng Liangjiahe, simula noong 1969.

Si Xi Jinping, kasama ng mga taganayon sa kanyang pagdalaw sa Liangjiahe, lalawigang Shaanxi sa dakong hilaga-kanlugarn ng Tsina, noong 1993. [File photo: cctv.com]

Disyembre 22, 1968, inanunsyo ni Chairman Mao Zedong na kinakailangang pumunta sa kanayunan ng mga nakapag-aral na mga kabataan upang muling tumanggap ng edukasyon mula sa mga mahihirap na magsasaka. 17 milyong kabataang estudyante, halos 1/10 ng populasyon sa kalunsuran, ang tumugon sa panawagan at lumisan sa mga lunsod at nagtungo sa mga pook-rural, at sinimulan ang di malilimutan nilang paglalakbay.

Si Xi Jinping ay isa sa mga kabataang kabilang sa nasabing paglalakbay. Nagsimula siya sa kabisera ng Beijing at tumungo sa isang lugar na ituturing niya bilang bagong tahanan sa Yan'an.

Ang pag-alis sa Beijing ay tila isang pagtakas para kay Xi Jinping.

Ang kanyang ama na si Xi Zhongxun ay inalisan ng tungkulin sa Partido taong 1962. Dahil dito, kinaharap ni Xi Jinping ang di pantay na pagturing mula pagkabata. Lumala ang sitwasyon sa panahon ng Rebolusyong Kultural, nang mawala sa kaniyang pamilya ang halos lahat ng ari-arian. Kalaunan, isinulat ni Xi Jinping, "Binansagan akong pasaway na anak ng isang 'reaksyunaryong ama.' Halos 15 taong gulang lang ako. At sinabi nila sa aking dapat kong tanggapin ang 100 kamatayan."

Dinala si Xi Jinping unang una sa istasyon ng pulis, pagkatapos sa piitan ng mga kabataan na siksikan, kailangang maghintay ng isang buwan para siya ay tanggapin. Kaya nagboluntaryo siyang magtungo sa kanayunan. "Nakita nilang ako'y pupunta sa Yan'an, na maihahalintulad bilang exile o pagkakatapon, kaya hinayaan nila akong umalis," muling paggunita niya.

Pinili niya ang Yan'an dahil doon naging bahagi ng gawaing rebolusyonaryo ang kanyang ama.

Enero 13, 1969, puno ng mga tao ang Istayon ng Tren ng Beijing. Balot ng lungkot ang paligid. Di pa man umaabot sa edad na 16 na taong gulang, si Xi Jinping ay sumakay sa 'educated youth express" patungong Yan'an. Habang paalis ang tren, ang mga tao kapwa sa loob at labas ay nagsimulang lumuha.

Kalaunan, ipinaliwanag ni Xi Jinping, "Ako lang ang tanging nakangiti. Marami sa aking mga kamag-anak sa labas ng tren ang nagtanong kung bakit. Sagot ko, iiyak ako kung mananatili dito. Hindi ko alam kung kakayanin ko ang pananatili dito. Kaya hindi ba magandang bagay ang pag-alis ko?"

Dumating ang "educated youth express" sa lungsod ng Tongchuan. Noong araw ang Yan'an ay di pa nararating ng tren.

Nag-almusal sila bago sumakay sa trak na magdadala sa kanila sa Yan'an, sa rutang walang kabuhay-buhay dahil sa tag-lamig.

Madilim na nang dumating sila sa Yan'an. Lahat ay balot ng alikabok.

Sa Yan'an Normal School, pansamantalang tumigil ang trak. Ilan sa mga kabataan ang nagosyoso at naglakad-lakad. Maliit na lungsod ang Yan'an at sa loob ng kalahating oras nang paglalakad nakita na nila ang kabuuan. Ang dalawang-palapag na Tindahan ng Aklat ng Xinhua ang pinakamataas na gusali. Madilim ang kapaligiran, isang poste ng ilaw ang gumigewang sa maginaw na hangin, lumalangitngit at kumukutikutitap sa tapat ng istasyon ng bus.

Ito ba ang tunay na duyan ng rebolusyon?

Lahat ng inaakala nila tungkol sa Yan'an na nabuo sa Beijing ay nawala. Bakas sa kanilang mukha ang kabiguan.

Muli silang nagbiyahe ika-15 sa paliku-likong maalikabok na mga daan.

Ang mga komboy ng trak ay umikli nang umikli, hanggang sa iilan na lamang na natira. Pasigaw na nag-usisa ang ilan kung naligaw ba ang nagmamaneho.

Tahimik si Xi Jinping habang naglalakbay. Wala siyang alam kung ano ang dadatnan nila, at wala rin siyang alam kung ano ang magiging kapalaran nila doon.

Kinabukasan, dumating si Xi Jinping at kanyang mga kasama sa isang pamayanan sa Yanchuan County. Doon, ang bawat isa ay tumanggap ng kopya ng "Quotations of Chaiman Mao," at isang puting tuwalya. At nagpunta na sa kani-kanilang mga grupo.

Ilan pang grupo ng mga educated youths ang sumunod na dumating. Mula taong 1969 hanggang 1976, apat na grupo ng mga kabataan, 280,000 lahat, ang dumating sa Yan'an mula sa Beijing.

Si Xi Jinping, kasama ng 14 na iba pang kabataan, ay ipinadala sa nayon ng Liangjiahe. Si Xi ang pinakabata sa lahat.

Naalaala ni Liang Yuming, ang dating Kalihim ng Komite ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ng Liangjiahe, na dala ni Xi Jinping ang isang kulay-tsokolateng maleta na puno ng mga libro. Ani Liang, isang tusong taganayon ang tumulong na magdala ng mga bagahe ng mga bagong dating na kabataan. Pinili niya ang kulay tsokolateng maleta dahil ito ang pinakamaliit.

Nabigatan ito sa dala-dala. Habang nagpapahinga, sinubukang bitbitin ang ibang mas malaking maleta na dala ng iba, at natuklasang mas magaan ang mga ito kaysa dala niya. Ginto ba ang laman ng bagahe ng batang taga-Beijing? Anito sa sarili. Nang dumating sa Liangjiahe, dito nalaman ng lahat na dalawang maleta ang dala ni Xi Jinping. Parehong punong pung ng mga libro.

Pangarap kontra Katotohanan

Di-naglaon, Chinese New Year na noong taong 1969. Natikman ng mga kabataang nakapag-aral ang putaheng Yan'an na tinatawag na "steam bowl" o pinasingawang mangkok. Ang lokal na putahe ay pagkaing panalubong sa mga espesyal na bisita. Nakahain ang apat na mangkok na naglalaman ng ginisang baboy, piniritong manok, meatballs at ribs kasama ng rice wine. Sa panahon ng tag-gutom, ito ay isang bangkete. Natuwa ang mga kabataan. "Sino ang mag-aakalang ang lugar na ito ay may napakasarap na pagkain!"

Ngunit di nagtagal lumantad na ang tunay na kulay ng Liangjiahe.

Matapos ang Chinese New Year, lumisan ang ilang mga mamamayan ng nayon. Panahon na para manglimos.

Sa Yanchuan County, halos kalahati ng mga mamamayang lokal ay nanglilimos, kabilang ang ilang mga pinuno ng mga production group o grupong pamproduksyon ng mga nayon. Hindi alam ng mga bagong saltang kabataan na ganito mamuhay ang mga taganayon.

Ikinagulat din ng batang Xi Jinping ang sipag ng mga magsasaka. Alas-6 ng umaga sila bumabangon para magsaka sa kabundukan.

Kapus hininga pagkapanhik sa tutok ngunit walang tigil ang pagtatrabaho hanggang tanghali. Natutong manigarilyo si Xi Jinping dahil sa pahingang alok nito.

Sa unang taon ng pamamalagi sa Liangjiahe, nasaksihan ni Xi Jinping ang laki ng agwat sa pamumuhay sa nayon at sa lungsod kung saan siya lumaki.

Naalala niyang pakiramdam niya'y hindi siya nababagay roon nang unang dumating siya sa lugar.

Tinuligsa siya nang ipakin niya sa mga aso ang nabulok na tinapay na dala niya mula sa Beijing. Hindi matanggap ng mga taga-nayon ang kanyang ginawang pagsasayang ng pagkain. Kumalat ito sa buong Yanchuan County na ang batang nakapag-aral na mula sa malaking siyudad ay nagsayang ng pagkain.

Ani Xi, "15 taong gulang lang ako, nasa kakaibang kapaligirang puno ng pagdududa. Nalungkot ako dahil dito."

Hindi maganda ang kalagayan ng kanyang buhay pamilya. Nakakulong ang kaniyang ama. Ibinaba ang tungkulin ng kanyang ina. Ang kanyang kapatid ay ipinadala sa Inner Mongolia. Dinanas ni Xi ang kalituhan ni Hamlet: "Ang mabuhay o mamatay?"

Matapos ang ilang buwan, nagpaalam si Xi para dalawin ang pamilya sa Beijing. Laking dismaya ni Xi nang siya ay arestuhin pagkauwi dahil napagkamalang siya ay tumatakas pabalik ng lunsod.

Nanatili si Xi sa istasyon ng pulis kung saan puwersadong siyang nagtrabaho. Ayon sa kanya, "Kami ang naglagay ng mga tubo sa mga kanal ng Distrito ng Haidian ng Beijing."

Limang buwan ang nakalipas nang muli siyang masilayan ng mga taga-Liangjiahe, maitim ang kanyang mukha at madungis.

Nang magbalik-tanaw sa kanyang pamumuhay sa Liangjiahe, sinabi ni Xi Jinping na "Bata pa ako at wala akong ibang pagpipilian kundi ang pumunta sa nayon. Wala akong plano para sa hinaharap. Di ko pinahalagahan ang pagkakaisa. Habang nagbabanat-buto ang mga tao, naglalakwatsa lang ako. Masama ang naging impresyon nila sa akin."

Batang-Beijing, batang-nayon

Nagpunyagi si Xi Jinping upang punan ang mga kakulangan at tunay na gampanan ang pagiging taganayon. Sa paglipas ng panahon nagbago siya.

Noon, ikinayayamot niya ang mga pulgas ng Liangjiahe. Maselan ang balat niya kaya't napuno ng kagat at peklat ang kanyang mga binti. Kalaunan ay nasanay na siya at mahimbing na nakakatulog sa kabila ng kagat ng mga pulgas.

Ang palikuran ay isang bagay na naging mahirap para sa kanya. Madumi at mabaho, napakaginaw tuwing tag-lamig, at nakapa-init sa panahon ng tag-init. Aniya, "Nasanay din ang lahat at maayos na sumagot sa tawag ng kalikasan."

Walang paliguan sa kanayunan. Tuwing tag-lamig, nag-iinit ng tubig at nagpupunas na lamang ang mga tao. Kung tag-init naman, sa ilog sila naliligo.

"Mahiyain" ganito inilarawan ng ibang mga educated youth si Xi Jinping. Hindi siya nagrereklamo, may sariling pag-iisip. Sa mga taga-nayon, siya ay marunong, madaling makasundo at mapagkumbaba, hindi siya radikal at di rin konserbatibo kapag nagsasalita.

Hindi siya mapagmalaki tulad ng isang laking siyudad na dumidistansya sa mga taga-nayon.

Ipinamigay ni Xi Jinping ang sapatos niya sa mga kaibigang walang-wala. Minsan siya ay barbero. Minsan siya ay nagtuturo ng paglangoy. Maraming naging kaibigan si Xi sa Liangjiahe sa kabila ng mga di umano'y "kasalanang pulitikal" ng kanyang ama, at kahit na siya ay mula sa isang pamilyang "reaksyonaryo."

Ayon sa isang kasamahan sa Lianjiahe, laging pantay ang pakikitungo ni Xi Jinping sa lahat. Laging nakangiti at mahinahon kung magsalita.

Natuwa ang mga taga-nayon sa batang taga-Beijing. Ang batang ito ang pinagmulan ng kaalaman nila hinggil sa pamumuhay sa labas ng nayon.

Sa kabila ng kahirapan, naramdaman ni Xi ang pagmamahal ng mga taganayon sa Liangjiahe. Aniya, "Nang ako'y nagugutom, ipinagluto nila ako; nang naging madumi ang kasuotan ko, nilabhan nila ito; nang mapunit ang pantalon ko, tinahi nila ito para sa akin."

Salin: Mac
Edit: Jade

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>