|
||||||||
|
||
NANINDIGAN ang pambansang kapulungan ng mga Obispo ng Simbahang Katolika na nararapat kilalanin ng pamahalaan na kabalikat sila sa paglilingkod sa mga mamamayan.
Sa isang press briefing, sinabi ni Arsobispo Romulo G. Valles ng Davao na malugod niyang tinanggap ang paanyaya ng Malacanang na makiupag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte na kamakailan ay naglabas ng maaanghang na pananalita laban sa Diyos at sa mga turo ng simbahan.
KABALIKAT NINYO KAMI. Ito ang mensahe ni Arsobispo Romulo G. Valles, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa pamahalaang pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Humiling ng "ceasefire" ang pamahalaan sa mga pahayag na nagmula sa magkakabilang-panig. (Larawan ni Jhun Dantes)
Ani Arsobispo Valles na sapagkat nagmula sa Malacanang ang paanyaya, haharap siya kay Pangulong Duterte upang pakinggan ang magiging pahayag nito. Subalit kahit ibinalita ng Malacanang na nakatakda ang pulong ngayong araw na ito, sinabi ni Arsobispo Valles na hindi ito magaganap sapagkat naging abala sila sa plenaryo ng mga obispong nagtapos kanina sa Pope Pius XII Catholic Center.
Wala umano siyang sasabihin sa pangulo bagkos ay makikinig lamang sa magiging pahayag.
Samantala, sinabi ni Obispo Pablo Virgilio David ng Kalookan at pangalawang pangulo ng CBCP na nararapat mabatid ng pamahalaan ni Pangulong Duterte na hindi sila kalaban sa politika sapagkat sila'y kabalikat sa paglilingkod sa mga mamamayan, lalo na sa mga aba at mahihirap.
Wala umanong nilabag na batas si Sister Patricia Anne Fox sa pagdalo sa mga problema ng mga manggagawang saklaw ng kontraktuwalisasyon at mga magsasakang walang sariling lupang binubungkal. Nararapat na kilalaning makabubuti ang paglilingkod na ito ng mga misyonera sapagkat inihahatid ng mga alagad ng Simbahan ang mga suliranin ng mga mamamayan.
Sa pagdalo ng pamahalaan sa mga hinaing ng mga mahihirap, tiyak na makikiisa sila sa Simbahan. Niliwanag din ni Obispo David na hindi kikilalanin ng Simbahan ang mga alagad nitong lalahok sa partido political at lalahok sa pag-aaklas upang mapatalsik ang pamahalaan.
Matapos ang tatlong araw na pagpupulong, naglabas ng apat na pahinang pahayag ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na nagsabing malaking hamon ang nagaganap ngayon sapagkat magulo at madugo ang mga nagaganap na insidente sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Hindi na umano bago ang pagpatay sa mga pari na naninindigan sa mga turo ng Simbahan. Magugunitang tatlong pari na ang napaslang mula noong nakalipas na Disyembre ng 2017, Mayo at Hunyo ng 2018. Hindi na rin umano bago ang Simbahan sa mga panlalait ng mga kakaiba ang paniniwala.
Wala rin umanong sama ng loob ang mga Obispo sa mga kapwa Kristiyanong walang nakikitang masama sa mga pagpatay na nagaganap sa kapaligiran, sa mga humahalakhak pa sa bawat pang-aalipusta sa Panginoong Diyos at lumalahok pa sa pagpapalaganap ng malibang balita o "fake news."
Nasusulat naman umano ang pagkakanulong naganap noon na pinalitan lamang ng 30 pirasong pilak.
Binanggit din nila ang kahirapang nararanasan ng mga mamamayang nadarakip sa programang inilunsad laban sa mga "tambay" at mga walang matirhan. Isinama rin sa kanilang ikinababahala ang pagkilala ng pamahalaan sa mga nalulong sa droga na wala nang magandang kinabukasan kaya't hindi na pinahahalagahan ang buhay. Binanggit din ang mga pamamasok at paghahalughog sa mga tahanan ng walang kaukulang pahintulot ng humukan. Binanggit din ang mga pagdakip ng walang warrants of arrest.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |