IBINALITA ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia na samantalang umabot lamang sa 4.3 percent ang inflation mula Enero hanggang Hunyo ng 2018 na bahagyang lumampas sa government target na 2 hanggang 4 percent, tumaas naman ang inflation noong nakalipas na buwan at pumalo sa 5.2 percent.
Sinabi ni Secretary Pernia na ang pagtaas ng inflation ay dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain, petrolyo at pamasahe at ang paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan kasabay na rin ng peso depreciation at presyo ng bigas.
Umaasa si Secretary Pernia na bababa ang inflation rate bago matapos ang taon. Ipinaliwanag din niya na hindi masisisi ang TRAIN Law sapagkat hindi na nagbabayad ng buwis ang 99 na porsiyento ng tax payers kaya't nakatulong na rin ang binawas na halaga upang makasabay sa pagtaas ng presyo ng bilihin.
Sa pagtaas umano ng demand, tataas din ang presyo, dagdag pa ni Secretary Pernia.