Miyerkules, Hulyo 25, 2018, nagpahayag si Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ng matinding kawalang-kasiyahan at matatag na pagtutol sa mga artikulong may kinalaman sa Tsina sa panukalang National Defense Authorization Act (NDAA) for Fiscal Year 2019 ng Estados Unidos. Hinimok niya ang panig Amerikano na agarang alisin ang mga kaukulang negatibong nilalaman.
Ayon sa ulat, nitong Hulyo 23, nagkaisa ng palagay ang Kongreso ng Amerika tungkol sa panukalang NDAA sa taong piskal na 2019. Kabilang dito, maraming nilalaman ang may kinalaman sa Tsina na kinabibilangan ng pagpapalakas ng relasyong pandepensa ng Amerika at Taiwan, pananaliksik sa "matigas na aksyon" ng Tsina sa South China Sea at iba pa.
Kaugnay nito, sinabi ni Geng na maraming beses na iniharap ng panig Tsino ang solemnang representasyon sa panig Amerikano tungkol dito. Aniya, kung pagtitibayin ang mga may kinalamang nilalaman ng NDAA, malubhang makakapinsala ito sa pagtitiwalaan ng Tsina at Amerika, at makakasira rin sa pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa mga kaukulang larangan, at kapayapaan at katatagan ng Taiwan Strait.
Salin: Vera