Sa panahon ng paglulunsad ng mga digmaang pangkalakalan laban sa Tsina, Unyong Europeo, at ibang panig, laging sinasabi ng pamahalaang Amerikano, na sila ay napilitang magsagawa ng mga hakbanging ito, dahil hindi nilulutas ng mga may kinalamang panig ang mga problema sa kalakalan, na nagdudulot ng kapinsalaan sa Amerika. Pero, totoo ba ito? Pakinggan natin ang nagkakaibang pahayag ng komunidad ng daigdig.
Sa panahon ng katatapos na pulong ng mga ministrong pinansyal at gobernador ng Bangko Sentral ng G20 na ginanap sa Argentina, sinabi ni Ministrong Pinansyal Bruno Le Maire ng Pransya, na dapat pawalang-bisa muna ng Amerika ang karagdagang taripa sa mga produkto ng asero at aluminum ng Unyong Europeo, saka lamang isasagawa ng dalawang panig ang talastasan sa malayang kalakalan. Dagdag ni Le Maire, hindi puwedeng pumasok ang EU sa isang talastasan, habang kinakaharap ang malaking presyur mula sa ibang panig.
Samantala, inilabas kamakailan ng magasing The Economist ng Britanya ang artikulong may pamagat na "inilulusad ni Donald Trump ang mga digmaang pangkalakalan sa ilang prontera." Sinariwa ng artikulo ang mga digmaang pangkalakalan na inilunsad ni Trump mula noong Enero ng taong ito. Tinukoy ng artikulo, na ipinalalagay ng pangulong Amerikano, na madali silang mananalo sa digmaang pangkalakalan, kaya inilunsad niya ang mga digmaang ito.
Inilabas naman ng pahayagang Financial Times ng Britanya ang komentaryong nagsasabing, ang paglabag ng Amerika sa mga tuntunin ng World Trade Organization, pagsasagawa ng trade protectionism, at paglulunsad ng mga digmaang pangkalakalan, ay hindi lamang nagpapalala ng proteksyonismo sa buong daigdig, kung magdudulot din ng mapanirang epekto sa kaayusang pandaigdig, na sa ngayon ay patuloy na nagiging mahina.
Sa harap ng paulit-ulit na pagdaragdag ng Amerika ng taripa, pawang nagharap ng reklamo sa WTO ang Tsina, EU, Canada, Mexico, India, Turkey, at ibang panig. Ipinakikita nito ang kahandaan nilang makipagtalastasan sa Amerika, sa ilalim ng Dispute Settlement Mechanism ng WTO. Dapat pakinggan ng Amerika ang tinig ng mga ibang panig, kung talagang gusto nitong lutasin ang mga alitang pangkalakalan.
Salin: Liu Kai