Ipinahayag ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na dahil sa kamalian ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos, nabibiktima ang mga magsasakang Amerikano ng hegemonismong pangkalakalan.
Sa regular na preskon Huwebes, Hulyo 26, sinabi ni Geng na ang Tsina ay pangunahing pamilihan ng mga produktong pang-agrikultura ng Amerika. Ipinagdiinan niyang nitong ilang taong nakalipas, lumalim ang pagtutulungang pang-agrikultura ng Tsina't Amerika at nagdulot ito ng kapakinabangan sa magkabilang panig. Aniya pa, sa pagsasangguniang pangkabuhaya't pangkalakalan ng dalawang bansa nitong nagdaang Mayo, sumang-ayon silang pataasin ang pagluluwas ng mga produktong agrikultural ng Amerika sa Tsina. Pero, dahil sa isinasagawang unilateralismo at proteksyonismo ng administrasyon ni Trump, hindi naisasakatuparan ang napagkasunduan ng dalawang panig, dagdag pa ni Geng. Ani Geng, umaasa ang Tsina na mapapakinggan ng administrasyon ni Trump ang tinig at pananaw ng iba't ibang sektor ng bansa at komunidad ng daigdig para maiwasang tumahak pa sa maling landas.
Salin: Jade
Pulido: Mac