NAGBABANTAY ang mga kawani ng Department of Foreign Affairs sa kumakalat na apoy sa Northern California na puminsala sa daan-daang mga gusali at naging dahilan ng paglikas ng mga mamamayan.
Sinabi ng DFA na ang Philippine Consulate General sa San Francisco ay nakikipag-ugnayan sa mga Filipino sa Redding, California at mga kalapit na pook upang malaman kung mayroon sa kanilang naapektuhan ng mapaminsalang sunog at mangangailangan ng tulong.
Ayon kay Consul General Henry Bensurto, wala pa naman silang natatanggap na kahilingan mula sa mga Filipino doon. Mayroong 227 mga Filipino ang na sa lungsod ng Redding na namimiligro sa sunog na puminsala ng may 500 mga gusali.
May 38,000 katao na ang lumikas. Lima katao na ang nabalitang nasugatan at may 12 iba pang nawawala.