Kinatagpo Agosto 8, 2018 sa Beidaihe ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang dumadalaw na Pangulo ng Ika-73 Pangkalahatang Asemblea ng UN na si Maria Fernanda Espinosa Garces.
Ipinahayag ni Premyer Li na bilang isa sa mga tagapagtatag ng UN, Pirmihang Kinatawan ng UN Security Council at pinakamalaking umuunlad na bansa sa daigdig, palaging sinusuportahan ng Tsina ang tungkulin ng UN. Aniya, suportado ng Tsina ang kapangyarihan ng UN at mahalagang papel ng UN sa mga suliraning pandaigdig. Aniya, patuloy na tutupdin ng Tsina ang sariling obligasyong pandaigdig, at gagawa ang bansa ng ambag para sa kapayapaan, kaunlaran at kaayusan ng daigdig.
Binigyang-diin niyang ang isinasagawang reporma ng mga organisasyong pandaigdig na gaya ng UN at World Tade Organization ay dapat nakabatay sa kaayusang pandaigdig na naitatag pagkaraan ng World War II, Karta ng UN, malayang kalakalan at iba pa.
Ipinahayag naman ni Pangulong Espinosa Garces na nakahanda ang UN na magsikap, kasama ng Tsina at ibang mga bansa sa daigdig para pangalagaan ang kaayusang pandaigdig na naitatag sa ilalim ng regulasyong pandaigdig, pasulungin ang malayang kalakalan batay sa balangkas ng pandaigdigang batas at World Trade Organization, at pasulungin ang globalisasyong pangkabuhayan, kayapaaan, katatagan at kasaganaan ng daigdig.