Makaraang ilabas Agosto 7 ng Tanggapan ng Kinatawang Pangkalakalan ng Amerika ang listahan ng 16 bilyong dolyares na inaangkat na produkto mula sa Tsina na papatawan ng 25% taripa na magkakabisa sa Agosto 23, ipinatalastas ng Tsina ang kasabay na pagpapataw ng 25% taripa sa parehong halaga ng mga produktong Amerikano, para maprotektahan ang sariling makatwirang kapakanan at ang multilateral na sistemang pangkalakalan.
Kaugnay nito, ipinalalagay ng mga media ng Timog Korea na bunsod ng pagtindi ng proteksyonismo ng Amerika, kung lalala ang alitang pangkalakalan sa pagitan ng dalawang pinakamalaking ekonomiya sa daigdig, ibayo pang makakapinsala ito sa kabuhayang pandaigdig.
Ayon sa komentaryo ng Joong Ang Daily, dahil sa paglunsad ng "digmaang pangkalakalan" laban sa iba't ibang bansa na kinabibilangan ng mga kaalyado, binawasan o kinansela ng mga bansa ng Unyong Europeo, Asya at Latin Amerika ang kanilang puhunan sa Amerika. Masasabing ito ang kabiguan ng Amerika sa patakarang panlabas.
Ayon naman sa komentaryo ng diyaryong Chosun Ilbo, ang patuloy na proteksyonismo ng Amerika ay magdudulot ng kapinsalaan sa pandaigdig na stock market. Sinipi nito ang inilahad ni Larry Fink, Tagapagtatag, Tagapangulo at Chief Executive Officer ng BlackRock, Inc, kompanyang nangunguna sa pamumuhunan sa daigdig, na nagsasbing "kung itutuloy ang pagpapataw ng taripa ng Amerika at Tsina, mauuwi ito sa 10% hanggang 15% na pagbagsak ng pandaigdig na stock market. Dahil dito, ang pagbuti ng operasyon ng mga kompanya at paglaki ng kabuhayan ng Amerika ay binabawasan ng proteksyonismong pangkalakalan at trade barriers."
Salin: Jade
Pulido: Mac