Kaugnay ng pagpapanumbalik ng Amerika ng unilateral na sangsyon laban sa Iran, ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-10 ng Agosto 2018, sa Beijing ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa mula't mula pa'y tinututulan ng kanyang bansa ang pagsasagawa ng unilateral na sangsyon, at ang pag-uusap at talastasan ay tunay na solusyon sa mga isyu sa Iran.
Dagdag ni Lu, isinasagawa ng Tsina at Iran ang bukas, transparent, at normal na kooperasyong komersyal sa kabuhayan, kalakalan, enerhiya, at iba pang larangan. Ito aniya ay hindi lumalabag sa mga resolusyon ng United Nations Security Council at mga obligasyong pandaigdig ng Tsina, at hindi rin nakakapinsala sa interes ng ibang bansa. Ipinahayag ni Lu, na ang ganitong kooperasyon ay dapat igalang at pangalagaan.
Salin: Liu Kai