Inilathala kahapon, Biyernes, ika-10 ng Agosto 2018, sa pahayagang Washington Post ng Amerika ang artikulong nagsasabing, kung palalawakin pa ng Amerika ang mga kategorya ng mga panindang Tsino na patawan ng karagdagang taripa, halimbawa sa mga pinoprosesong pagkaing isda, hahantong ito sa malaking epekto sa industriya ng pangingisda ng Amerika.
Ayon sa artikulo, sa kasalukuyan, pumasok din sa global industrial chain ang industriya ng pagpoproseso ng mga produktong akuwatiko. Ang halos kalahating produktong akuwatikong kinuha sa Estadong Alaska ng Amerika ay inihahatid sa Tsina para sa paglilinis at pagpoproseso, at paggawa ng mga pinoprosesong pagkaing isda. Kung papatawan ng Amerika ng karagdagang taripa ang mga panindang ito, bababa ang sales volume ng mga ito sa pamilihang Amerikano at babawasan naman ng Tsina ang pag-aangkat ng mga hilaw na materyal ng mga produktong akuwatiko mula sa Amerika.
Anang artikulo, sinabi minsan ni Lisa Murkowski, Senador mula sa Alaska, na isinasagawa ng kanyang estado at Tsina ang magandang kooperasyon sa kalakalan sa industriya ng pangingisda. Aniya, kung sasaklaw ang alitang pangkalakalan ng dalawang bansa sa industriya ng pangingisda, tiyak nitong idudulot ang malaking epekto sa Alaska.
Salin: Liu Kai